Posibleng ilagay sa yellow alert ang Luzon grid ngayong Mayo 15, 2026 dahil sa manipis na reserba ng kuryente, ayon sa Department of Energy (DOE), sa gitna ng mga naitalang aberya at patuloy na pag-monitor sa power supply situation.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Undersecretary Mario Marasigan, patuloy ang pagbabantay sa supply ng kuryente dahil sa mababang reserba sa Luzon grid, kahit na naayos na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang dalawang nasirang transmission lines—ang Tayabas-Ilijan at Ilijan-Dasmariñas 580 kV lines.
Dahil sa pagkakaayos ng mga linya, nakapagbalik-suplay na rin ang Excellent Energy Resources Units 1 at 2 sa Batangas, na pansamantalang na-isolate matapos masira ang Ilijan-Dasmariñas transmission line. Naibalik din sa operasyon ang Masinloc Unit 3 sa Zambales matapos ang naitalang aberya kahapon.
Gayunman, hinihintay pa rin ng Department of Energy ang detalyadong ulat mula sa NGCP upang matiyak ang kabuuang sitwasyon ng grid.
Samantala, sa Visayas grid, ipinaliwanag ni Marasigan na ang matinding init ng panahon ang isa sa mga dahilan ng pagbaba ng kapasidad ng ilang power generation facility.
Patuloy ding inoobserbahan ng NGCP ang iba pang pasilidad upang maiwasan ang posibleng panibagong aberya sa suplay ng kuryente sa mga susunod na oras.














