NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pang menor de edad na babae matapos ang nangyaring salpukan ng isang truck at motorsiklo sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Andres Garcia Jr., 33-anyos, residente ng Brgy. Poblacion 1, Alaminos, Laguna habang ang menor de edad naman ang isang 16-anyos, residente ng Sariaya, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng driver ng truck na kinilalang si Mc Dave Segui, 26-anyos, residente ng Sitio Aurora Brgy. Binahaan, Pagbilao sa nasabing probinsiya, ang south bound direction ng Manggalang Bantilan papunta sa Guis Guis, San Roque, dito na nito nakasalpukan ang motorsiklo na minamaneho ni Garcia habang sakay nito ang nasabing dalagita.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad naman na dinala sa ospital ngunit binawian rin ng buhay si Garcia.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.