NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos ma-hit and run sa Magsaysay Balatas Road, Naga City.

Kinilala ang namatay na si Richard Sultan, 25-anyos, residente ng Padlos, Libmanan at ang nasugatan naman ay si Jimwel Acha, residente naman ng Capucnasan, Milaor, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSMS Tobby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nito na habang tinatahak ni Sultan ang daan mula Rotonda papunta sa Peñafrancia lulan ng kaniyang motorsiklo habang angkas si Acha nang bumangga ito sa isang L300 Van na mula naman sa kabilang linya na minamaneho ng hindi pa nakikilalang driver.

Dahil dito, agad naman na dinala ang mga biktima sa hospital para sa asistensiya medikal ngunit ideniklarang dead on arrival ng mga doktor si Sultan habang patuloy pang ginagamot si Acha.

Ayon sa mga saksi, sa halip na huminto at bumaba ang driver ng van matapos ang nasabing banggaan, dumiretso lamang ito sa pagmamaneho.

Sa ngayon, nahihirapan aniya ang mga imbestigasdor ng kaso sa pagtunton sa pagkakakilanlan ng driver ng van dahil hindi umano gumagana ang mga naka-install na CCTVs sa lugar ng insidente .

Samantala, panawagan na lamang ni Bongon sa suspek na harapin ang kaniyang responsibilidad sa nasabing insidente at at harapin ang mga kasong pwedeng ihain laban dito.