Walang nakitang visible structure sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na iniuugnay sa kasong malversation laban kay dating senador Ramon Bong Revilla Jr., ayon sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isinagawang ocular inspection ng Sandiganbayan.
Ayon kay DPWH Bulacan First District Engineering Office Officer-in-Charge Kenneth Fernando, “Based on visual inspection, there is no accomplishment,” matapos inspeksyunin ang proyektong sinasabing dapat ay may habang 128 metro.
Sa ulat, tinawag ng prosekusyon na “ghost project” ang naturang flood control project dahil sa kawalan ng malinaw na istruktura sa site.
Gayunman, iginiit ng depensa na maaaring nakabaon sa lupa ang steel sheet piles at hindi ito agad nakikita, kaya umano’y kulang ang basehan ng initial assessment.
Inatasan ng Sandiganbayan Third Division na pinamumunuan ni Chairperson Karl Miranda ang DPWH maintenance team na beripikahin kung may nakatagong sheet piles sa lugar upang masigurong kumpleto ang pagsusuri.
Sa kalaunan, matapos alisin ang makapal na damo sa lugar, natuklasan ang hindi bababa sa tatlong sets ng kalawangin at halos hindi na kapansin-pansing steel sheet piles.
Nagsagawa ang korte ng inspeksyon matapos magbigay ng magkasalungat na testimonya ang mga saksi ng prosekusyon hinggil sa eksaktong lokasyon ng proyekto, kabilang ang isang National Bureau of Investigation witness na unang nagturo sa katabing lugar.
Ang nasabing katabing site ay may nakikitang istruktura ngunit nananatiling hindi pa rin tapos.














