NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos na magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Lupi, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Ariel Arengue, 57-anyos, residente ng Ragay, at sugatan na si Jayson Oringo, 30-anyos, residente ng Lupi, sa nasabing probinsya.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni Oringo ang pakurbadang parte ng Maharlika Highway at Zone 5 Bgy Sooc sa nasabing bayan ng ito’y masalpok ng motorsiklo na minamaneho ni Arengue.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Oringo at Arengue na agad naman na dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor si Arengue.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.