NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang limang iba pa kasama na ang isang lineman matapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Marlito Hermina, 38-anyos, residente ng Concepcion Pequeña, Doña Clara, Naga City at ang mga sugatan na sina Maria Teresa Samole, 60-anyos; Maria Luisa Arnuco, 47-anyos; Jommel Vales, 23-anyos; Jemaima Furmalejo, 21-anyos; at Diana Bermudo, 19-anyos, residente ng Buenavista, Gen. Trias, Cavite.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng van na minamaneho ni Joseph Gryron Reyes, 37-anyos, residente ng Caingin Sta Rosa, Laguna ang southbound direction patungo sa lungsod ng Naga nang mabangga nito ang L300 na nakapark sa kanang bahagi ng kalsada.

Dahil dito, natamaan ng L300 si Hermina na nakatayo sa harapan ng nasabing sasakyan na nakadiretso pa sa isa pang truck.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga biktima kasama na si Hermina na agad namang dinala sa ospital.

Ngunit ideklara ring dead-on-arrival ng mga doktor si Hermina.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasambitan insidente.