Photo © web

Walang nakikitang beripikadong banta ng kudeta o pag-aaklas laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr..

Sinabi ni Gen. Nartatez, hepe ng Philippine National Police (PNP), na wala silang nakikitang konkretong ebidensiya na magpapatunay sa umano’y seryoso at nalalapit na banta laban sa administrasyon.

Gayunman, tiniyak ng PNP na mananatili sila sa mataas na antas ng alerto bilang bahagi ng kanilang mandato sa pagpapanatili ng seguridad.

Ayon sa PNP chief, trinatrato lamang nila bilang “rumors” o tsismis ang mga ulat kaugnay ng umano’y tangkang pagpapatalsik sa Pangulo dahil sa kakulangan ng matibay na basehan.

Advertisement

Ginawa ni Nartatez ang pahayag matapos sabihin ni Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo Lacson na may ilang retiradong military officers na umano’y nagre-recruit ng mga miyembro ng uniformed service.

Sa kabila nito, iginiit ng PNP chief na nananatiling tapat ang kapulisan sa Konstitusyon at sa mamamayang Pilipino, at hindi sa anumang political faction.

Dagdag pa niya, patuloy na susunod ang PNP sa chain of command at mananatiling propesyunal habang nakatuon sa kanilang tungkulin sa pagsugpo ng krimen at pagpapanatili ng kaayusan sa bansa.

Advertisement