NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang isang Person Deprived of Liberty sa loob ng kaniyang karsel sa Pasacao Municipal Police Station sa Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Artemio Navera, 40-anyos, may kasong incest rape, residente ng Barangay Odicon, sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Chester Enriquez, hepe ng naturang himpilan, sinabi nito na dakong madaling araw nang matagpuan na lamang na nakabigti ang biktima sa loob ng kaniyang karsel gamit ang kaniyang pajama.

Dagdag pa ng opisyal na wala na umanong kasama ang biktima sa loob dahil ang anim nitong mga dating kasama ay dinala sa Tinangis sa nasabing bayan habang ang dalawa naman ay nakapag-piyansa na.

Nabatid din na halos isang araw pa lamang nakukulong ang biktima bago ito matagpuan na wala nang buhay.

Dinala pa sana umano ito sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, paalala na lamang ng opisyal na huwag mawalan ng lakas ng loob at huwag iklian ang kaisipan para hindi makagawa ng kahalintulad na bagay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.