Ibinunyag ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ilang kumpanyang inuugnay kay Vice President Sara Duterte ay nagdeklara ng mababang profit margins kahit may milyon-milyong gross income.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na may posibilidad ng underdeclaration of profits matapos makita na may kumpanyang may less than 1% profit margin sa kabila ng daan-daang milyong kita.

Ayon kay Luistro, may iba pang kumpanyang konektado sa Bise Presidente na nagdeklara naman ng net losses o kawalan ng kita.

Lumabas din sa pagsusuri ng komite na may kumpanyang nakalista sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte ngunit hindi siya kinikilalang stockholder sa corporate records.

Advertisement

Dahil dito, inihayag ni Luistro ang posibilidad na ang ilang pangalang nakatala ay maaaring “dummy” o ginagamit lamang bilang representasyon.

Binanggit din ng mambabatas ang naunang tala ng SEC kung saan may isang “Sara Z. Duterte” na nakalista bilang stockholder at board member ng isang Davao-based company mula 2022 hanggang 2025.

Sa gitna nito, muling binuksan ang usapin kung maaaring maging aktibo sa negosyo ang isang nakaupong Bise Presidente, kasunod ng probisyon ng 1987 Constitution of the Philippines na nagbabawal sa Pangulo, Bise Presidente, at mga miyembro ng Gabinete na makilahok sa negosyo o magkaroon ng financial interest sa mga kontrata ng gobyerno.

Patuloy namang sinusuri ng komite ang mga dokumento bilang bahagi ng impeachment proceedings laban kay Duterte.

Advertisement