NAGA CITY – Sugatan ang isa katao sa nangyaring pananaksak sa pagitan ng tatlong estudyante ng Victor Bernal High School sa San Vicente Ogbon, Nabua, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Ronal Perigrino, tagapagsalita ng Nabua-PNP, pinaniniwalaang matagal ng may alitan sa pagitan ng biktimang si John Eric Gabarda, 18-anyos at ang dalawang 16-anyos na suspek.

Ayon kay Perigrino, habang naglalakad sa harap ng naturang paaralan ang biktima nang biglang sinaksak ng mga suspek.

Nagtamo ng sugat sa katawan ang biktima na agad namang itinakbo sa ospital.

Sa pagresponde ng mga otoridad, naabutan ng mga ito ang isang menor de edad na suspek habang nakatakas naman ang isa pa.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang isa sa mga suspek habang nakatakda namang makipag-ugnayan ang kapulisan sa Department of Social Welfare and Developnent para sa karampatang disposisyon.