Kinumpirma ni Pasay City Police chief Police Colonel Joselito De Sesto ngayong Sabado na siya ang sakay ng puting police mobile na nakitang umaalis sa Senado madaling araw ng Huwebes.

Sinabi ni De Sesto na siya ang nasa loob ng sasakyan ng pulisya na umalis sa Senado bandang alas-3 ng madaling araw noong Mayo 14, 2026.

Nilinaw naman ng opisyal na ang police mobile ay hindi bahagi ng convoy ng sinumang personalidad at bahagi lamang ng kanilang sariling police operation.

Ayon pa kay De Sesto, hindi rin sinusundan ng kanilang sasakyan ang isang itim na van na kasabay umalis sa Senado at nagkataon lamang umano na sabay silang nakaalis sa lugar.

Advertisement

Iginiit din niya na wala siyang impormasyon tungkol sa itim na van at sa mga sakay nito, at wala umanong naging koordinasyon, interaksiyon, o operasyon na kinasasangkutan ng dalawang sasakyan.

Dagdag pa niya, ibang ruta ang tinahak ng kanilang police mobile matapos umalis sa Senado, kabilang ang pagdaan sa World Trade Center bago bumalik sa Pasay City Police Station.

Advertisement