Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado na tumanggi umano ang Senado na tanggapin ang subpoena kaugnay ng hinihinging CCTV footage ng naganap na insidente ng pamamaril sa Senado noong Miyerkules.
Sinabi ni Remulla na hindi tinanggap ng Senado ang process server na maghahatid sana ng subpoena para sa CCTV footage na bahagi ng imbestigasyon ng Ombudsman.
Ayon sa Ombudsman, itinuturing na “served” ang subpoena kahit tumanggi itong tanggapin ng kabilang panig. Dagdag niya, tila alam na rin umano ng Senado ang tungkol sa preventive suspension matapos banggitin ni Senate President Alan Cayetano na dapat ding masampahan ng kaso si NBI Director Melvin Matibag.
Noong Biyernes, isinailalim ng Ombudsman sa anim na buwang preventive suspension na walang sahod si acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca matapos nitong umamin na siya ang nagpaputok ng warning shot laban sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente sa GSIS building malapit sa Senado.
Sinabi ni Remulla na mahalaga ang suspensyon habang isinasagawa ang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa batas at kapabayaan sa tungkulin.
Nagbabala rin ang Ombudsman na maaaring maharap sa mga kasong obstruction of justice, aiding and abetting a fugitive from justice, at gross neglect of duty ang mga mapatutunayang responsable sa insidente.
Ang naturang insidente ay naganap ilang oras bago nakalabas sa Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nahaharap sa warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng mga alegasyon sa madugong war on drugs.














