Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at marami ang nasugatan matapos ang magkakahiwalay na airstrike ng Israel sa Gaza noong Lunes, kabilang ang isang pag-atake malapit sa paaralang nagsisilbing kanlungan ng mga lumikas na Palestino, ayon sa mga opisyal ng kalusugan.
Naganap ang pangunahing pag-atake sa silangan ng Maghazi refugee camp sa gitnang Gaza Strip, kung saan sinasabing nagkaroon muna ng kaguluhan sa pagitan ng mga residente at isang Israeli-backed militia na umano’y nagtangkang mangdukot sa ilang tao.
Ayon sa mga saksi at medic, sa gitna ng kaguluhan ay nagpaputok ang Israeli drones ng dalawang missile na tumama sa komunidad ng mga displaced residents, na nagdulot ng mataas na bilang ng nasawi at nasugatan.
Sa hiwalay na insidente, isang Palestino ang napatay at isang bata ang nasugatan matapos tamaan ng airstrike habang sakay ng motorsiklo sa Gaza City. Isa pang Palestino ang napatay nang putukin ng Israeli forces ang isang sasakyan sa central Gaza, na nagtaas sa kabuuang bilang ng nasawi sa hindi bababa sa 12 sa parehong araw.
Wala pang opisyal na pahayag ang Israeli military kaugnay ng mga insidente. Samantala, patuloy ang sisihan sa pagitan ng Hamas at Israel hinggil sa mga paglabag sa umiiral na tigil-putukan, na sinusuportahan ng Estados Unidos.
Ayon sa Gaza health ministry, umabot na sa hindi bababa sa 700 ang nasawi dahil sa mga pambobomba ng Israel mula nang magsimula ang ceasefire. Sa panig naman ng Israel, apat na sundalo ang napatay ng mga militante sa parehong panahon.
Nagaganap ang panibagong karahasan habang nagpapatuloy ang tensyon ukol sa disarmament ng Hamas—isang pangunahing hadlang sa susunod na yugto ng peace plan na isinusulong ng U.S. President Donald Trump.














