Muling nakapagtala ng panandaliang lava fountaining sa summit crater ng Mayon Volcano nitong gabi ng Abril 14, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang aktibidad bandang alas-9:13 ng gabi gamit ang close-up footage mula sa Mayon Volcano Observatory, kung saan nakita ang effusive eruption ng bulkan sa ika-99 na magkakasunod na araw.

Kabilang sa mga naobserbahang aktibidad ang pagdaloy ng incandescent lava, pagbuo ng pyroclastic density currents o “uson,” at madalas na pagguho ng mga bato sa paligid ng bulkan.

Nauna rito, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng isa pang panandaliang lava fountaining episode na sinabayan ng minor strombolian activity at grass fire sa paanan ng bulkan.

Advertisement

Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang status ng Mayon Volcano, na nangangahulugang may mataas na antas ng unrest at banta ng pagputok.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) upang maiwasan ang panganib dulot ng posibleng pag-alburoto ng bulkan.

Advertisement