Nilinaw ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na ang kinakailangang 16 na boto para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay nakabatay sa umiiral na batas at hindi sa pinagkasunduang posisyon ng mga senador.
Ayon kay Escudero, ang kaniyang interpretasyon ay nakasalig sa probisyon ng Konstitusyon at sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Bayan v. Zamora. Aniya, malinaw sa naturang desisyon na ang kinakailangang bilang ng boto ay ibinabatay sa kabuuang komposisyon ng Senado, kahit may mga miyembrong hindi makadalo o hindi makaboto sa paglilitis.
Dahil dito, iginiit niyang nananatiling kailangan ang two-thirds vote ng buong Senado o 16 na boto mula sa 24 na senador upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment trial.
Binanggit din ni Escudero ang naging pasya ng Korte Suprema sa kasong may kaugnayan kay dating senador at dating Bise Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Aniya, kahit 23 lamang ang presenteng senador noon, pinagtibay ng korte na ang batayan ng kinakailangang boto ay ang buong 24 na miyembro ng Senado.
Inamin ni Escudero na may mga hindi sumasang-ayon sa kaniyang interpretasyon, ngunit iginiit niyang ang mga desisyon ng Korte Suprema ay may bisa ng batas hangga’t hindi ito nababago o nababaligtad.
Nilinaw rin niya na bagama’t napag-uusapan ang mga usaping may kinalaman sa impeachment trial, hindi niya ipinapaalam o ipinapasang-ayon sa kapwa senator-judges ang kaniyang mga pahayag at legal na pananaw.








