Naiwasan ng isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibleng banggaan matapos itong harangin at lapitan nang delikado ng isang Chinese maritime militia vessel sa karagatan malapit sa Panata Island sa Kalayaan Island Group noong Nobyembre 23.
Ayon sa PCG, inatasan ng kanilang mga tauhan ang dalawang barkong Tsino na umalis matapos mamataang ilegal na nakadaong sa loob ng teritoryal na katubigan ng Pilipinas.
Gayunman, sa halip na sumunod, mabilis na lumapit ang isa sa mga barko sa gilid ng BRP Cabra at pumuwesto sa layong 200 yarda lamang. Dahil dito, napilitang magsagawa ng agarang maniobra ang barko ng Pilipinas upang maiwasan ang banggaan.
Tinangka rin ng naturang Chinese vessel na lapitan ang rubber boat na sinasakyan ng walong tauhan ng PCG, ngunit ligtas na nakaiwas ang mga ito. Wala namang naiulat na nasugatan o napinsala sa insidente.
Muling iginiit ng PCG na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at pagpapatupad ng mga operasyon sa Kalayaan Island Group sa kabila ng mga panghihimasok at insidente sa karagatang sakop ng Pilipinas.













