Nasawi ang dalawang estudyante habang isa pa ang nakaligtas matapos malunod sa dagat sa Barangay San Ramon, Siruma, Camarines Sur nitong Abril 15, 2026, bandang alas-7:00 ng umaga.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Sean, 15, at Niña, 16, na kapwa idineklarang dead on arrival. Samantala, nakaligtas ang 14-anyos na si Axel, kapatid ni Sean, na agad dinala sa Bicol Medical Center (BMC) para sa gamutan.

Ayon sa paunang ulat, naliligo lamang sa mababaw na bahagi ng dagat ang tatlo nang biglang lumakas ang alon at tinangay sila papalalim na bahagi ng dagat.

Agad namang rumesponde ang mga rescuer sa lugar, ngunit hindi na naisalba ang buhay nina Sean at Niña.

Advertisement

Napag-alaman na kapwa bagong graduate ng Junior High School sa Pili, Camarines Sur ang dalawang nasawi, na inaasahang magpapatuloy sana sa kanilang pag-aaral.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang nananawagan ang lokal na pamahalaan ng mas mahigpit na pag-iingat sa pagligo sa dagat, lalo na sa panahon ng biglaang pagtaas ng alon.

Advertisement