NAGA CITY – Patay ang dalawang lalaki sa nangyaring magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Felipe Zara, 63-anyos, at Cenon Panaligan, 52-anyos, parehas na residente ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni Zara ang kahabaan ng kalsada patungo sa Bicol ng makalas ang pagkakalock ng gulong ng kasalubong nitong truck na minamaneho ni Freddie Fuentes, 37-anyos.

Dahil sa nasabing insidente, gumulong ang nasabing gulong sa direksyon ni Zara na naging dahilan upang mahulog sa motor nito ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, habang tumatawid naman sa kalsada si Panaligan ng aksidente itong mabangga ng van na minamaneho ni Nicolas Oredo Jr, 49-anyos.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital ngunit ideklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad an mga suspek para sa karampatang disposisyon.