NAGA CITY – Patay ang dalawang mag-aaral matapos mabangga ng truck sa Andaya Highway, F. Simeon, Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na magpinsan kung saan ang driver ng motorsiklo ay isang 19 taong gulang at ang backrider nito na isang 16 taong gulang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Ryan Bagasala, Acting Chief of Police ng Ragay MPS, sinabi nito na pauwi na sana ng kanilang bahay ang dalawang mag-aaral mula sa kanilang paaralan nang mangyari ang insidente.

Batay sa report, habang binabaybay ng mga biktima ang kalsada na pinangyarihan ng insidente nang isang truck umano ang nag-overtake sa kanila at kinain pa ang linya ng mga biktima.

Ayon naman sa hindi na pinangalanan na driver ng truck, nakabig nito pakaliwa ang manibela dahil mayroon pa itong iniwasan na isang sasakyanna naging dahilan naman upang mabangga nito ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.

Samantala, batay pa sa imbestigasyon ng mga otoridad, walang suot na helment ang mga biktima. Maliban pa dito, hindi naman umano nakainom ng alak ang suspek.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek matapos ang boluntaryong pagsuko. Mahaharap naman ito sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property.

Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga magulang na huwag hayaan na magmaneho ng anumang uri ng sasakyan ang kanilang mga anak lalo na kung ito ay mga menor de edad pa.