NAGA CITY – DEAD-ON-ARRIVAL ang dalawa katao kasama na ang isang menor de edad habang sugatan naman ang isa pa matapos makasalpok ang isang top down motorcycle sa isang van sa Brgy Sta. Rosa, Mulanay, Quezon.

Kinilala ang mga binwian ng buhay na sina John Keneth Atiagan Deraya, 21-anyos an driver ng topdown; isang 16-anyos na lalaki habang ang sugatan naman ay si Michael Fortalez, 20-anyos, kapwa residente ng Brgy. Poblacion 1 sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng topdown na minamaneho ni Deraya ang kahabaan ng kalsada papunta sa Catanauan, Quezon nang aksidente itong makasalpok sa van na minamaneho naman ni Argie Serdoncillo Atibagos, 27-anyos, residente ng Brgy Talisay, San Andres Quezon.

Nabatid na sinubukan kasi nitong mag-overtake sa isa pang motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa lakas ng impact ng pagkakasalpok, nagtamo ng malalalang ugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead-on-arrival sina Deraya at ang ang menor de edad nilang kasama.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng van para sa karampatang disposisyon.