NAGA CITY- Sugatan ang dalawang indibidwal matapos na saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sila Marilyn Contreras Aldea, 64-anyos, at Emmanuel Contreras Aldea, 19-anyos, residente ng Maulawin St., Brgy. Pahinga Norte sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakahiga ang mga biktima sa kanilang higaan nang makita ni Emmanuel ang hindi pa nakikilalang suspek sa kanilang pinto na naging dahilan upang sumigaw ang biktima.

Dahil dito, agad na nilapitan ng suspek si Emmanuel at sinaksak, kung saan dito naman nagising si Marilyn at agad naman na tinulungan si Emmanuel, ngunit ito naman ang binalingan nang suspek at sinaksak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng tama nang saksak ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente gayundin ang pag-alam sa posibleng kinaroroonan at pagkakakilanlan ng suspek.