Iniimbestigahan ngayon ng Securities and Exchange Commission–Cagayan de Oro Extension Office (SEC-CDO) ang ilang grupo na umano’y nag-ooperate ng mga ilegal na investment scheme sa Northern Mindanao, ayon sa opisyal ng ahensya nitong Huwebes.
Ayon sa SEC-CDO, patuloy ang kanilang monitoring sa mga grupong pinaghihinalaang sangkot sa investment scam, bagama’t hindi muna nagbigay ang ahensya ng karagdagang detalye habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
Ayon kay SEC-CDO Director Atty. Frederick Enopia, mas mabilis na ngayong natutukoy ng mga awtoridad ang mga kahina-hinalang aktibidad kumpara sa mga nakaraang taon, kaya’t napipigilan ang pagdami ng mga biktima at miyembro ng mga nasabing grupo.
Dagdag pa niya, mas pinaigting din ang koordinasyon ng SEC sa iba’t ibang rehiyon dahil may mga ulat na ang ilang operasyon ay nagmumula pa sa labas ng Northern Mindanao. Mas marami na rin umanong lumalapit sa kanilang tanggapan upang magtanong tungkol sa mga investment offer, na nakatutulong sa mas maagang pagtukoy ng posibleng scam.
Pinaalalahanan ng SEC ang publiko na mag-ingat sa mga alok na may “guaranteed returns” at huwag basta pumasok sa investment nang hindi beripikado ang lisensya ng mga nag-aalok. Hinikayat din ng ahensya ang publiko na dumaan muna sa SEC upang tiyakin kung lehitimo ang isang kumpanya o investment scheme.
Nilinaw rin ng SEC na hindi ilegal ang foreign exchange trading o investment programs sa sarili nito, ngunit nagiging labag sa batas kapag may pangangalap ng investment mula sa publiko nang walang awtorisasyon o may maling pangako ng kita.














