Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) sa ginanap na Cabinet meeting sa Malacañang.
Ayon kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, pormal na inaprubahan ng Pangulo ang panukalang badyet matapos itong iharap ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang NEP ang magsisilbing batayan sa pagbuo ng General Appropriations Bill (GAB) na isusumite sa Kongreso para sa pagtalakay at pag-apruba.
Nakapaloob sa panukalang badyet ang pondong ilalaan sa mga programa, proyekto, at operasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa taong 2027.
Gayunman, hindi muna isiniwalat ni Gomez ang kabuuang halaga ng panukalang badyet.
Inaasahang ihahain ni Pangulong Marcos ang 2027 National Expenditure Program sa Kongreso sa Agosto 14, dalawang linggo matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27.









