NAGA CITY- Sugatan ang tatlo katao matapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa Barangay Mapagong, Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Jayson Hepe, 29-anyos; driver ng motorsiklo at ang mga angkas nito na sina Roge Lacson, 24-anyos at Jeric Hepe, 18-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na tinatahak ng mga biktima lulan ng motorsiklo ang kahabaan ng Maharlika highway habang nasa likuran nito ang isang bus.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing nag-overtake papunta ang bus paunahan.

Dahil dito, nahagip ng bus ang side wheel ng motorsiklo kung kaya umikot ito pabalik dahilan upang mabangga naman nito ang kasalubong na kotse.

Ito naman ang naging dahilan para tumilapon mula sa motorsiklo ang tatlong sakay nito habang nagpatuloy lamang sa kaniyang ruta ang driver ng bus matapos ang insidente.

Kaugnay nito, nagtamo ng mga sugat sa kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.