Inihayag ng Ombudsman na may lima hanggang anim pang kasong isasampa sa loob ng dalawang linggo kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, kasabay ng pagkumpirma na si dating House Speaker Martin Romualdez ang mambabatas na inisyuhan ng freeze order sa kaniyang mga ari-arian.

Sa isang panayam, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakalinya na ang mga susunod na kaso na ihahain laban sa mga sangkot sa kontrobersyal na proyekto ng pamahalaan, bagamat tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye.

Kinumpirma rin ng Ombudsman na si Romualdez ang tinukoy na mambabatas sa inilabas na freeze order, batay sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Nitong Biyernes, iniulat ng AMLC na nakakuha ito ng freeze order mula sa Court of Appeals laban sa isang hindi pinangalanang mambabatas na umano’y may kaugnayan sa flood control corruption scandal.

Advertisement

Ayon sa AMLC, saklaw ng freeze order ang 25 bank accounts at 10 insurance policies na nakapangalan sa naturang mambabatas.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects ng gobyerno.

Samantala, sinabi ng Ombudsman na kasalukuyang nasa preliminary investigation ang mga kaso at tinitiyak ang pagsunod sa due process, lalo na’t ang mga iniimbestigahan ay mga opisyal ng gobyerno na may malawak na impluwensya at yaman.

Advertisement