Photo© web

Aabot sa hindi bababa sa 51 lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger” level na heat index ngayong Biyernes, Mayo 29, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

Batay sa limang araw na heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo sa 42°C hanggang 47°C ang heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pinakamataas na inaasahang maitala ang 47°C sa Casiguran, Aurora at Sangley Point sa Cavite City, Cavite.

Nasa 46°C naman ang inaasahang heat index sa Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan, Baler sa Aurora, at San Ildefonso sa Bulacan.

Advertisement

Samantala, posibleng umabot sa 45°C ang heat index sa Dagupan City, Bacnotan sa La Union, Echague sa Isabela, Iba sa Zambales, Clark Airport sa Pampanga, Muñoz sa Nueva Ecija, Cubi Point sa Subic, Coron sa Palawan, at San Jose sa Occidental Mindoro.

Nasa 44°C naman ang forecast sa ilang bahagi ng Metro Manila kabilang ang Science Garden sa Quezon City, gayundin sa ilang lugar sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Tarlac, Batangas, Quezon, Palawan, Capiz, Iloilo, Negros Oriental, at Surigao City.

Aabot naman sa 43°C ang heat index sa NAIA sa Pasay City at ilang bahagi ng Cagayan, Quezon, Laguna, Masbate, Camarines Sur, Capiz, Bohol, at Eastern Samar.

Habang nasa 42°C naman ang inaasahan sa ilang lugar sa Nueva Vizcaya, Bicol Region, Samar, Leyte, Zamboanga del Norte, Surigao del Sur, at Agusan del Norte.

Ayon sa PAGASA, ang “danger” level na heat index ay maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke kapag tumagal ang exposure sa matinding init.

Samantala, 24 pang lugar ang inaasahang makararanas ng “extreme caution” level na heat index habang nananatiling nasa “not hazardous” level ang Baguio City at ilang bahagi ng Benguet.

Advertisement