Aabot sa 579 na persons deprived of liberty sa New Bilibid Prison ang kumuha ng Alternative Learning System (ALS) Accreditation and Equivalency (A&E) examination noong Marso 29 upang makamit ang pagtatapos sa elementarya at junior high school.

Ayon sa Bureau of Corrections, 161 sa mga PDL ang kumuha ng pagsusulit para sa elementary level habang 418 ang sumubok para sa junior high school.

Ang ALS A&E exam ay isang assessment na sumusukat sa kaalaman at kasanayan ng mga ALS learners batay sa K to 12 Basic Education Curriculum. Kapag pumasa, makakatanggap ang mga PDL ng certificate o diploma na kinikilala ng Department of Education.

Isinagawa ang pagsusulit ng BuCor Education and Training Section (ETS) katuwang ang mga proctor mula sa DepEd-ALS Bayanan. Bago sumabak sa exam, isinailalim muna ang mga PDL sa orientation at tiniyak ang seguridad sa loob ng pasilidad upang mapanatili ang kaayusan habang isinasagawa ang pagsusulit.

Advertisement

Ang programang ito ay bahagi ng pagsusumikap ng BuCor na mabigyan ng pagkakataon ang mga bilanggo na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon at magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.

Advertisement