Arestado ang anim na indibidwal sa magkakahiwalay na entrapment operations ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong mag-alok ng hindi awtorisadong dental services online sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ayon sa PNP, isinagawa ang mga operasyon sa Catanduanes, Ormoc City sa Leyte, Iloilo City, at Zamboanga City bilang bahagi ng kampanya laban sa mga mapanlinlang na cyber-enabled practices at para maprotektahan ang kalusugan ng publiko.

Sa Ormoc City, inaresto ang dalawang babae na may edad 36 at 24 at isang 32-anyos na lalaki sa magkahiwalay na operasyon noong Abril 7 at 11 sa pangunguna ng Ormoc City Cyber Response Team.

Sa Catanduanes, isang 35-anyos na lalaki ang inaresto sa Virac noong Abril 7, habang sa Iloilo City, isang 21-anyos na babae ang nadakip sa Jaro noong Abril 10.

Advertisement

Samantala, sa Zamboanga City, isang 22-anyos na lalaki ang inaresto sa kaparehong petsa.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9484 na may kaugnayan sa Republic Act 10175.

Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang paalala ng kapulisan laban sa mga online na nag-aalok ng serbisyong lampas sa kanilang propesyonal na awtoridad.

Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad online upang makatulong sa pagpigil ng panlilinlang, lalo na sa mga serbisyong may kinalaman sa kalusugan.

Advertisement