NAGA CITY – Sugatan ang anim na indibidwal matapos mabangga ng bus ang isang pick up at tuluyang mahulog sa bangin sa Tagkawayan, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMajor Eric Veluz, Chief of Police ng Tagkawayan Municipal Police Station, sinabi nito na habang nakatigil ang pick up sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. San Vicente sa nasabing bayan nang bigla na lamang dumating ang bus na mabilis ang pagpapatakbo at mabundol ang nasabing pick up.

Ayon pa kay Veluz, dahil sa insidente nagtamo ng mga sugat ang anim katao na sakay ng pick up na nahulog sa bangin habang wala namang naitalang nasugatan sa mga pasahero ng bus.

Sa inisyal pa na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nakatulog ang driver ng bus na naging dahilan para hindi nito makita ang nakaparadang pick up.

Sa ngayon, patuloy naman ang pagpapaalala ng opisyal sa publiko na kung nakakaramdam ng antok habang nagmamaneho, pansamantala munang tumigil para makaiwas sa anumang aksidente sa kalsada.