Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makakalaya na ang 78 Pilipinong naunang nakulong sa Myanmar dahil sa paglabag sa immigration laws matapos umanong mabiktima ng human trafficking.
Ayon sa DFA, ang mga Pilipino ay dinala sa Myanmar upang magtrabaho sa mga scam center sa ibang bansa at kalaunan ay nahuli dahil sa illegal entry at residency violations.
Ang kanilang pagpapalaya ay naging posible umano dahil sa “compassionate and humanitarian gesture” ng mga awtoridad ng Myanmar kasabay ng pagdiriwang ng Thingyan o Burmese New Year festival.
Nagpahayag ng pasasalamat ang DFA sa gobyerno ng Myanmar, na anila ay patunay ng magandang ugnayan ng dalawang bansa.
Kasalukuyang inaasikaso ng Philippine Embassy sa Yangon, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na awtoridad, ang ligtas at maayos na pagbabalik ng mga naturang Pilipino sa Pilipinas.
Muling iginiit ng DFA ang kanilang pangako na protektahan ang mga Pilipino sa abroad, kasabay ng patuloy na koordinasyon sa Department of Migrant Workers at iba pang ahensya upang tugisin ang mga ilegal na recruiter na nasa likod ng human trafficking.














