Nasa 80 porsiyento na ang natatapos na negosasyon ng mga bansa sa Southeast Asia at China hinggil sa panukalang Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea, ilang araw bago ang pagsasagawa ng ASEAN Summit.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, nakatulong ang pamumuno ng Pilipinas bilang chair ng ASEAN Summit upang mapabilis ang proseso ng pagbuo at pagkumpleto ng COC.

Inaasahan din na maglalabas ang pamahalaan ng opisyal na pahayag hinggil sa usapin sa mga susunod na araw.

Paliwanag ni Lazaro, nasa 80 porsiyento na ng mga probisyon at nilalaman ng dokumento ang napagkasunduan, bagama’t mayroon pang ilang bahagi na nangangailangan ng karagdagang pag-uusap at pagpipino.

Advertisement

Layunin ng panukalang COC na magtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang mga tensyon, panghihimasok, at posibleng armadong komprontasyon sa South China Sea, na maaari ring makaapekto sa mga kaalyadong bansa ng Pilipinas, kabilang ang Estados Unidos.

Una nang nagpahayag ang Malacañang ng pag-asang maisasapinal at mapipirmahan ang COC bago matapos ang termino ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN.

Advertisement