Patuloy ang pagtatanim ng palay at mais sa Naga City sa kabuuan ng Oktubre hanggang Nobyembre, sa kabila ng epekto ng mainit at tuyong panahon na may kaugnayan sa El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ernesto Asence III, Head of City Agriculture ng Naga City, sinabi nito na may ilang lugar nang nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig na nagiging sanhi ng pagkatuyo ng mga pananim.
Ayon kay Asence, kabilang sa mga apektadong lugar ang San Felipe, Pacol, at Carolina, kung saan umaasa ang mga palayan sa nakatakdang iskedyul ng irigasyon para sa kanilang suplay ng tubig.
Para sa mga pananim na palay at mais, itinuturing na angkop ang kasalukuyang panahon para sa pagtatanim, basta’t may maayos na pagpaplano at pagsunod sa iskedyul ng irigasyon.
Ang suplay ng tubig sa mga sakahan sa nasabing mga lugar, partikular sa mga nasasakupan ng private irrigation system na pinamamahalaan ng Naga City District Irrigators Association, ay nakadepende sa nakatakdang iskedyul ng patubig.
Dagdag pa rito, sa kabila ng kakulangan sa suplay ng tubig, patuloy pa rin ang operasyon ng sistema upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.








