Binigyang-diin ng Philippine Red Cross ang kahalagahan ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo bilang isang mahalagang hakbang sa pagliligtas ng buhay, lalo na sa mga pasyente, ina, at sanggol na nangangailangan ng dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maria Felisa Badiola, Chapter Administrator ng Philippine Red Cross-Camarines Sur Chapter, hinikayat nito ang publiko na makiisa sa mga bloodletting activity at isaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan ng bawat donor sa pamamagitan ng tamang pagsusuri bago ang proseso ng pagdo-donate.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 35 bloodletting activities, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor upang matugunan ang pangangailangan sa suplay ng dugo.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pag-imbita sa kanila sa Dugong Bombo Bloodletting Activity, kung saan ito ang unang pagkakataon na nakilahok ang ahensya sa aktibidad ng Bombo Radyo.
Ayon kay JO1 Mark Anthony Bechayda, CRS Officer ng BJMP, itinuturing niyang isang marangal na adbokasiya ang bloodletting activity, na kabilang din sa mga regular na programa ng BJMP katuwang ang Philippine Red Cross.
Patuloy rin na isinusulong ni Sgt. Charlie Villareal, isang blood donor mula sa First Company 9 CMO Battalion, CMOR, Philippine Army, ang boluntaryong pagdo-donate ng dugo bilang isang mahalagang paraan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Para sa kanya, mahalagang makatulong sa kapwa, lalo na sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Muling hinihikayat ng Philippine Red Cross-Camarines Sur Chapter ang publiko na makiisa at makipagtulungan sa mga isinasagawang bloodletting activities upang makatulong sa pagliligtas ng buhay.








