NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang isang babae sa loob ng isang lumang concrete water tank sa Barangay San Francisco, Magarao, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Lorena Carinan, 29-anyos residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay kapitan Leonor Poiquid, sinabi nito na natagpuan ang nasabing biktima na palutang-lutang at may mga sugat sa katawan.
Ayon kay kapitan Leonor, nagtamo ito ng tama sa parteng tiyan kung saan pinaniniwalaang sinaksak ito gamit ang isang kutsilyo.
Habang itinuturong suspect naman sa nasabing krimen ang mismong kalive-in partner ng biktima na kinilalang si Salvador Asaja Jr., 28-anyos.
Ayon dito matagal na umanong nag aaway ang mag-asawa kung saan may record narin ito sa Philippine National Police.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspect habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.