Bumuti na ang kondisyon ng beteranang aktres na si Odette Khan at kasalukuyan na itong gising matapos maospital dahil sa pneumonia at respiratory complications, ayon sa direktor na si Kip Oebanda.
Sa ibinahaging update ni Oebanda sa Instagram Stories, sinabi niyang “now awake” na ang aktres at nakakakain na ng tatlong beses sa isang araw.
Dagdag pa ng direktor, hindi na kinakailangang muling i-drain ang baga ng aktres matapos sabihin ng isang specialist na may nakitang pagbuti sa kondisyon nito.
“Her condition improved. She is fighting with us. Thank you to everyone who has helped,” pahayag ni Oebanda, na nagpapasalamat din sa patuloy na suporta para sa beteranang aktres.
Ayon pa sa direktor, labis siyang naantig at na-inspire sa dami ng taong nagpakita ng pagmamahal kay Khan, na mahigit limang dekada nang naglilingkod sa industriya.
Tinawag din niya ang aktres bilang isa sa “silent pillars” ng showbiz industry, na mas pinili ang tahimik, marangal at de-kalidad na trabaho kaysa habulin ang kasikatan.
Naospital si Khan noong huling bahagi ng Pebrero dahil sa pneumonia at iba pang respiratory complications. Kilala siya sa kanyang pagganap bilang kontrabida sa iba’t ibang proyekto, at huli siyang napanood bilang Justice Hernandez sa pelikulang Bar Boys: After School.







