Inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panibagong malawakang manhunt laban sa negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang na patuloy na nagtatago matapos maisyuhan ng warrant of arrest kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, isasama sa operasyon ang buong security apparatus ng pamahalaan upang mapabilis ang paghahanap sa negosyante.
Sinabi ni Remulla na magsasagawa ang pamahalaan ng mas pinaigting na operasyon upang matunton ang kinaroroonan ni Ang.
Dagdag pa ng kalihim, nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa iba’t ibang international at multinational intelligence agencies upang makakuha ng mas malawak na impormasyon na makakatulong sa manhunt operation.
Kinumpirma rin ng opisyal na gagamit ang mga awtoridad ng makabagong teknolohiya kabilang ang satellites upang mas mapahusay ang operasyon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Interpol habang naghahanda na ang Department of Foreign Affairs ng template para sa red notice application na inaasahang ihahain sa susunod na linggo sa pamamagitan ng Philippine Center on Transnational Crime.
Samantala, lilipat naman ang Philippine National Police sa paggamit ng drones sa halip na helicopters sa paghahanap kay Ang.
Ayon sa DILG, umaabot sa humigit-kumulang ₱50,000 kada oras ang operasyon ng helicopter, habang nasa ₱3,000 kada oras lamang ang paggamit ng drone at mas may sopistikadong teknolohiya.
Inaasahan ng pamahalaan na lalo pang paiigtingin ang manhunt sa mga susunod na linggo sa koordinasyon ng mga lokal at internasyonal na ahensya upang matunton ang kinaroroonan ni Ang kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.












