Umaasa ang kampo ni Mamamayang Liberal Rep. Leila De Lima na uusad na ngayon ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Dino De Leon, Legal Counsel ni Mamamayang Liberal Representative Leila De Lima, sinabi nito na noon pa dapat ay umusad na ang impeachment laban sa pangalawang pangulo at nagkamali lamang diumano ang Supreme Court na ibasura ang impeachment.
Ayon kay De Leon, hindi mapasusubalian ang mga bagay na nagpapatunay na nararapat na patalsikin sa pwesto si VP Sara, tulad na lamang ng pagbabanta nito noon kay Pres. Ferdinand Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at kay former House Speaker Martin Romualdez.
Napakatibay din umano na patunay ang mga isyung kinakaharap ng bise presidente sa isyu ng katiwalian at confidential funds noong ito ay kalihim pa ng DepEd.
Dagdag pa ni De Leon, hindi aniya tama ang naging pag-archive ng Senado sa impeachment ng bise presidente. Kaya lamang aniya nangyari iyon, dahil sa marami ang kaalyado ng pangalawang pangulo sa Senado.
Subalit ngayon, kung sakaling makarating ito sa Senado, umaasa ang opisyal na hindi na ito ma-aarchive dahil sa bago na ang liderato ng Senado.
Tungkol naman sa maaagang pag-anunsiyo ni Sara Duterte sa kaniyang plano na pagtakbo sa 2028 Presidential Elections, hindi na umano ito nakakagulat, dahil sa pinakikita lamang diumano nito ang “kapal ng mukha” ng bise presidente sa kabila ng marami nitong kapalpakan at iregularidad noong ito ay kalihim pa ng DepEd.
Sa kabilang dako, natutuwa ang abogado sa pagkakatalaga kay Rep. De Lima bilang bagong House Senior Deputy Minority Leader.
Para kay De Leon, malaki aniya ang maitutulong nito dahil mas lalong maisusulong ng kongresista ang katarungan at ang pagsugpo sa katiwalian.
Sa ngayon, pinaalalahanan na lamang ni De Leon ang publiko na maging matalino at maingat sa pagboto sa 2028 elections.











