Patuloy na makararanas ang Bicol ng mainit na panahon sa mga susunod na araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ian Neil Nuñez, Officer-In-Charge ng CBSUA-Pili Agromet Station, sinabi nito na nagi-issue na ang State Weather Bureau at ang kanilang opisina ng heat index o limang araw na monitoring at dalawang araw na forecast ng init ng panahon.
Ayon kay Nuñez, bagama’t may ilang portion sa Camarines Sur tulad ng Pasacao at iba pang kalapit na lugar, nakararanas ito ng dry season at hindi gaanong umuulan kapag buwan ng Marso hanggang Hunyo.
Dagdag pa ng opisyal, makararanas pa rin naman aniya ng mga panaka-nakang pag-ulan ang Bicol Region ngayong summer season subalit karamihan sa mga araw ay maiinit ang temperatura.
Sa ngayon ang lebel ng init ay hindi naman gaanong delikado dahil nasa extreme caution at hindi pa nakakaabot sa danger level ang init na nararanasan sa rehiyon.
Subalit kung ito aniya ay tumaas pa sa 41 degrees celcius, maika-categorize na ito sa danger level at magiging mapanganib na para sa mga tao.
Dahil dito, pinaalalahanan na lamang ni Nuñez ang publiko na palaging mag-ingat at magbaon palagi ng tubig upang hindi ma-dehydrate at makaiwas sa sakit na maaaring idulot ng matinding init ng panahon.













