Maaari nang makatawag nang libre sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Middle East matapos utusan ng Pangulo ang mga telco na magbigay ng libreng communication services.
Iniutos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga kumpanya ng telekomunikasyon na magpatupad ng libreng tawag para sa mga OFW na apektado ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa isang social media post, sinabi ng Pangulo na layunin ng hakbang na matulungan ang mga Pilipinong nasa ibang bansa na makausap ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas nang walang karagdagang gastos.
Bilang tugon, inilunsad ng mga telecom companies ang programang Libreng Tawag Program, na magbibigay ng libreng komunikasyon para sa mga Pilipino sa iba’t ibang bansa sa Middle East tulad ng Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia.
Dagdag pa ni Marcos, magtatayo rin ng mga free call stations sa piling business centers na matatagpuan sa mga pangunahing mall sa bansa upang matulungan ang mga pamilya na makipag-ugnayan sa kanilang mga mahal sa buhay sa abroad.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang programang ito upang manatiling konektado ang mga Pilipino sa gitna ng krisis, makapagbigay ng lakas ng loob sa isa’t isa, at makumpirma ang kaligtasan ng kanilang mga kamag-anak sa ibang bansa nang hindi nag-aalala sa gastusin.














