Magsasagawa ng briefing ang House of Representatives of the Philippines kaugnay ng lumalalang sigalot sa Middle East upang masiguro ang kaligtasan ng milyun-milyong overseas Filipino workers sa rehiyon.

Ayon kay House Majority Leader Rep. Sandro Marcos, nakatakdang isagawa ang joint briefing sa Miyerkules, Marso 11, upang mabantayan ang sitwasyon sa rehiyon kung saan may malaking bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho.

Sinabi ni Marcos na mahalagang maging handa ang pamahalaan upang maprotektahan ang tinatayang 2.4 milyong OFWs na nasa Middle East.

Ang briefing ay ipinag-utos ng liderato ng Kamara sa pamumuno ni House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III at pangungunahan ng House Committee on Foreign Affairs at House Committee on Overseas Workers Affairs.

Advertisement

Layunin nitong makuha ng Kamara ang pinakabagong ulat tungkol sa sitwasyon sa ground at sa kahandaan ng pamahalaan na tumulong sa mga Pilipino sakaling lumala pa ang sigalot.

Inaasahan ding dadalo sa briefing ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at iba pang ahensya upang magbigay ng update sa bilang ng mga Pilipino sa apektadong lugar, kondisyon ng seguridad, at mga contingency plan para sa posibleng tulong, evacuation, o repatriation.

Binigyang-diin ni Marcos na mahalaga ang papel ng mga OFW sa pagsuporta sa milyun-milyong pamilyang Pilipino at sa katatagan ng ekonomiya ng bansa, kaya kinakailangang maging handa ang pamahalaan na protektahan ang kanilang kapakanan sa panahon ng krisis.

Advertisement