Photo © web

Isinusulong ng Lakas-Christian Muslim Democrats ang panukalang batas na magbibigay ng 50% discount sa kuryente para sa mga sambahayang may minimum wage earner sa ilalim ng House Bill No. 8191.

Layunin ng panukala na magbigay ng konkretong tulong sa mga pamilyang Pilipino na nahihirapan sa tumataas na gastusin, lalo na sa kuryente, sa gitna ng global fuel price surge dulot ng tensyon sa Middle East. Bahagi rin ito ng programang GINHAWA KIT (Kuryente–Internet–Trabaho) ng Lakas-CMD na naglalayong bawasan ang pang-araw-araw na gastos ng mga pamilyang manggagawa.

Ayon sa panukala, ang 50% diskwento ay ilalapat sa residential electricity account ng pangunahing tirahan ng sambahayan at dumadaan sa beripikasyon at regular na pagsusuri upang maiwasan ang pang-aabuso. Para sa mga mahihirap na pamilya na may konsumo hanggang 50 kWh kada buwan, magbibigay ang panukala ng 100% diskwento sa ilang singil, alinsunod sa itatakda ng Energy Regulatory Commission.

Ani David ‘Jay-Jay’ Suarez at Jay Khonghun, makatutulong ang diskwento sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at kaligtasan ng mga pamilya, lalo na habang tumataas ang bayarin sa kuryente.

Advertisement

Ipinag-utos din sa panukala ang automatic enrollment ng mga kwalipikadong sambahayan upang hindi na kailangan ang komplikadong aplikasyon. Magkakaroon din ng inter-agency monitoring committee na pamumunuan ng Department of Social Welfare and Development, kasama ang ERC at Department of Energy, upang bantayan ang implementasyon, suriin ang eligibility, at protektahan ang datos ng publiko alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.

Ayon kay Janette Garin, layunin ng panukala na gawing mas patas ang sistema, lalo na sa mga umuupa, may shared connection, o hindi nakapangalan ang account sa mismong gumagamit. Kasama rin sa panukala ang mga safeguard tulad ng “one household, one account rule,” limitasyon sa pangunahing tirahan, regular na beripikasyon, at parusa sa maling impormasyon o pandaraya.

Advertisement