Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines na ginamit umano ng ilang nahuling espiya ang isang gaming app upang makipag-ugnayan sa kanilang handlers at makapagpasa ng sensitibong impormasyon nang hindi namo-monitor ng pamahalaan.

Ayon kay AFP Spokesperson Roy Vincent Trinidad, ang mga suspek ay nagtatrabaho sa Department of National Defense, Philippine Navy, at isa naman ay may koneksyon sa Philippine Coast Guard.

Ipinaliwanag ni Trinidad na ang gaming app, gaya ng isang bersyon ng Tetris, ay may naka-embed na communications capability. Kailangan lamang maglagay ng prompt o password upang maging communication tool ito para sa pagpapadala ng sensitibong impormasyon. “Specifically designed yung gaming app na yun na naka-embed sa kanya ang communications capability,” dagdag niya.

Dahil dito, nanawagan ang National Security Council sa iba pang ahensya ng gobyerno na palakasin ang vetting process, lalo na sa mga opisina na humahawak ng sensitibong impormasyon.

Advertisement

Ayon kay Spokesperson Francel Margareth Padilla, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga spy activity na iniuugnay sa China. Gayunman, hindi pa kumpirmado kung may iba pang kaso na iniimbestigahan. “As I said, this is an operational matter. So, we usually give the details as soon as we have more,” aniya.

Samantala, itinanggi ng Embassy of China in Manila ang mga paratang ng espionage, at sinabi nilang sinusunod ng China ang prinsipyo ng “non-interference” sa panloob na usapin ng ibang bansa, at ang akusasyon ay malisyoso at nakakasira sa reputasyon ng China.

Advertisement