Pinaiigting ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagbabantay laban sa hoarding ng mga produktong petrolyo, na nagdudulot ng pagtaas ng presyo sa gitna ng kaguluhan sa Middle East. Binigyang-diin ng hepe ng pulisya na haharap sa aresto ang sinumang gasolinahan o tauhan nito na mahuhuling nagtatago ng suplay para sa artipisyal na pagtaas ng presyo.
Ayon kay Gen. Nartatez, aktibong binabantayan ng intelligence units ng PNP ang mga bodega at gasolinahan. Kasama sa mga nagmamanman ang Criminal Investigation and Detection Group, Maritime Group, at Highway Patrol Group upang matiyak na walang iligal na gawain sa suplay ng petroleum products.
Sinimulan na rin ng PNP ang pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang masuri at matiyak na sumusunod ang mga nagbebenta sa direktiba ng Department of Energy (DOE). Giit ng PNP, ang kanilang layunin ay protektahan ang publiko laban sa artipisyal na pagtaas ng presyo at pang-aabuso sa suplay ng petrolyo.














