Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi maaantala ang mga frontline at hospital services nito kahit ipinatutupad ang 4-day workweek para sa ilang empleyado ng pamahalaan bilang bahagi ng energy conservation measures.

Ayon sa PhilHealth, mananatiling regular na limang araw kada linggo ang operasyon ng kanilang mga frontline offices at kritikal na yunit upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo sa mga miyembro.

Sa ilalim ng bagong work arrangement, ang mga administrative at back-office personnel ay magkakaroon ng compressed onsite schedule mula Lunes hanggang Huwebes na may 10 oras na trabaho bawat araw.

Gayunman, sinabi ng ahensya na patuloy na mag-ooperate ang mga frontline services mula Lunes hanggang Biyernes upang hindi maapektuhan ang serbisyo sa publiko.

Advertisement

Kabilang sa mga serbisyong mananatiling normal ang operasyon ang mga PhilHealth CARES nurses at P-Malasakit personnel sa mga ospital, mga Local Health Insurance Offices, PhilHealth Business Centers, satellite offices, at hospital desks.

Hindi rin maaapektuhan ang claims processing sa ilalim ng Benefit Administration Section, pati ang mga yunit ng information technology, legal, at field operations ng ahensya.

Dagdag pa ng PhilHealth, mananatiling available ang kanilang mga empleyado tuwing Biyernes para sa mga agarang operational requirements at iba pang mahahalagang usapin.

Ipinatupad ang binagong work arrangement matapos maglabas ang Malacañang ng Memorandum Circular No. 114 na nag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang sa pagtitipid ng enerhiya at mas mahusay na paggamit ng mga pampublikong yaman.

Advertisement