Nagbabala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na maaaring umabot sa 7.5% ang inflation sa bansa kung magpapatuloy at lalala ang sigalot sa pagitan ng United States, Israel, at Iran sa Middle East, na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, may dalawang posibleng senaryo: sa mas mababa, tataas ang presyo ng krudo sa $100 kada bariles, na magreresulta sa inflation na 4.5%–5.1% sa Marso at average na 4%–4.2% sa 2026. Sa mas matindi, aabot sa $140 kada bariles ang presyo ng langis, na maaaring magpataas ng inflation sa 6.3%–7.5% sa Marso at Abril, na may average na 4.5%–4.8% sa buong 2026.

Bukod sa presyo ng langis, inaasahan ding maapektuhan ang remittances ng mga OFWs kung ipatutupad ang deployment ban at repatriation mula sa Middle East at karatig-bansa. Sa unang senaryo, mababawasan ang OFW population ng 551,897 at remittances ng P226.568 bilyon; sa mas matinding senaryo, maaaring umabot sa 556,883 ang OFWs at P231.777 bilyon ang pagbaba sa remittances.

Dahil dito, posibleng bumagal ang economic growth ng bansa ng 0.20 hanggang 0.30 percentage points sa 2026. Iminungkahi ni Balisacan ang mga hakbang tulad ng pagsuspinde ng excise tax sa petrolyo, safety nets para sa apektadong sektor, staggered price adjustments, energy conservation programs, pagpapalawak ng bioethanol, at paggamit ng renewable at nuclear energy upang mabawasan ang epekto.

Advertisement

Ngayong linggo, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng gasolina ng P7–P13 kada litro, diesel ng P17.50–P24.25, at kerosene ng P32–P38.50, dulot ng pagsasara ng Strait of Hormuz na pangunahing ruta ng langis mula Iran patungong Gulf of Oman.

Advertisement