Naging sentro ng sunod-sunod na pagtatanong at babala mula sa mga senator-judge ang unang testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte matapos hindi nito matukoy kung nakabiyahe siya sa China noong panahong tinutukoy ng prosekusyon.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Lunes, Nobyembre 9, tinanong ni House prosecution lawyer Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin tungkol sa umano’y all-expenses-paid trip nito sa China noong Nobyembre 2025.

Una nang iginiit ni Adalin na hindi niya matandaan kung nakapunta siya sa naturang bansa, dahilan upang kuwestiyunin ng panig ng prosekusyon ang kaniyang kredibilidad bilang testigo.

Nang sabihin ng testigo na sa palagay niya ay hindi mahalaga ang tanong, agad siyang sinaway ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero. Nilinaw ng presiding officer na kailangang matukoy kung hindi talaga maalala ni Adalin ang mismong biyahe o ang eksaktong petsa lamang nito.

Advertisement

Kalaunan, sinabi ni Adalin na posibleng ang petsa lamang ang hindi niya matandaan. Gayunman, hindi pa rin naging tiyak ang kaniyang sagot nang muli siyang tanungin kung nakapunta siya sa China sa panahong binabanggit ng prosekusyon.

Dahil dito, nagbabala si Senator-judge Vicente “Tito” Sotto III na maaari silang humingi ng travel records mula sa Bureau of Immigration upang mapatunayan kung naganap ang naturang biyahe. Ipinaliwanag din niyang mahalaga ang usapin sa pagtukoy sa kredibilidad ng testigo.

Samantala, mariing pinagsabihan naman ni Senator-judge Erwin Tulfo si Adalin dahil sa napansin niyang pabago-bagong mga sagot at pagtawa habang sinasagot ang mga tanong.

“Mr. Presiding Officer, para ho tayong niloloko ng testigo na ito,” pahayag ni Tulfo.

Binigyang-diin din ng senador na nasa ilalim ng panunumpa ang testigo at maaari itong maharap sa contempt kung hindi nito seseryosohin ang paglalahad ng kaniyang testimonya.

“Kung ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po iyan. We can cite you for contempt,” babala ni Tulfo.

Advertisement