Naghahanda ang isang transport group sa Camarines Sur na magsampa ng reklamo laban sa ilang kumpaniya ng langis dahil umano sa pananamantala sa maliliit na sektor ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marino Traballo, chairman at operator ng Libmanan Transport, sinabi nitong marapat lamang na papanagutin ng gobyerno ang mga oil company dahil maraming tsuper ang labis nang naaapektuhan ang kabuhayan.

Ayon kay Traballo, hindi dapat pabayaan ang ilang kumpaniya ng langis na umano’y nang-aabuso sa transport sector na hirap na hirap dahil sa oil price hike. Aniya, masyado nang mataas ang presyo ng langis ngayon at may ilang oil company na umaabot sa ₱75 kada litro ang singil, lalo na sa diesel na karaniwang ginagamit ng mga tsuper.

Dagdag pa ng opisyal, madalas na inilalapit sa kaniya ng mga tsuper ang kanilang hinaing dahil apektado na ang kanilang pang-araw-araw na gastusin at pangkonsumo. Bagama’t naiintindihan aniya nila ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at ang epekto ng mga pangyayari sa Middle East na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis, nanawagan si Traballo na huwag naman sanang samantalahin ng ilang kumpaniya ng langis ang kanilang kalagayan. Aniya, ito na lamang ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng karamihan sa mga tsuper sa kanilang hanay. Samantala, sa usapin ng pamasahe, sinabi ni Traballo na wala pang plano ang kanilang grupo na magtaas ng singil upang hindi maapektuhan ang mga commuter.

Advertisement

Sa katunayan, mababa pa umano ang kanilang pamasahe kahit may pagtaas sa presyo ng langis upang mahikayat pa rin ang mga pasahero na sumakay.

Sa ngayon, pinag-uusapan pa ng kanilang grupo kung ipapaabot nila ang kanilang hinaing sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Pinayuhan din ni Traballo ang kapwa niya tsuper na patuloy na magsipag sa pamamasada upang kahit papaano ay may maiuwing kita araw-araw, habang nananawagan sila sa gobyerno na aksyunan ang umano’y labis na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Advertisement