Pinasabugan ang tatlong barko sa Strait of Hormuz nitong Miyerkules habang patuloy ang tumitinding tensyon sa rehiyon, ayon sa mga maritime security firm, na nagdadala sa kabuuang 14 na barko na tinamaan mula nang magsimula ang sigalot sa Iran.
Tinamaan ng dalawang projectile ang Thailand-flagged dry bulk vessel na Mayuree Naree, na nagdulot ng sunog at pinsala sa engine room, ayon sa operator nitong Precious Shipping. Tatlong crew member ang nawawala at pinaniniwalaang na-trap sa engine room habang ang natitirang 20 tripulante ay nailikas at dinala sa Oman. Ipinakita ng Thai navy sa mga larawang inilabas ang makapal na usok mula sa hulihan ng barko.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ng Iran’s Revolutionary Guards na pinaputukan ng kanilang fighter ang barko, na maaaring unang direktang engkuwentro ng kanilang pwersa sa mga sasakyang-dagat sa lugar.
Bukod sa Mayuree Naree, tinamaan din ang Japan-flagged container ship na ONE Majesty mga 25 nautical miles hilagang-kanluran ng Ras Al Khaimah sa United Arab Emirates. Nagkaroon lamang ng minor damage sa hull sa itaas ng waterline at ligtas ang lahat ng tripulante, ayon sa may-ari nitong Mitsui O.S.K. Lines at charterer na Ocean Network Express.
Tinamaan rin ang bulk carrier na Star Gwyneth, na may bandila ng Marshall Islands, mga 50 milya hilagang-kanluran ng Dubai. Nasira ang hull ng barko ngunit ligtas ang tripulante, ayon sa maritime risk firm na Vanguard.
Mula nang sumiklab ang tensyon sa Iran matapos ang pag-atake ng Estados Unidos at Israel noong Pebrero 28, umabot na sa hindi bababa sa 14 na barko ang tinamaan sa rehiyon. Halos huminto ang paglalayag sa makitid na rutang pandagat, na dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng global oil supply, at nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pinakamataas na antas mula noong 2022.
Nagbabala ang Iran’s Revolutionary Guards na maaaring targetin ang anumang barkong dadaan sa Strait, habang nagbanta si US President Donald Trump na paiigtingin ang mga operasyon ng Estados Unidos kung patuloy na haharangan ng Iran ang rutang pandagat.














