Hindi praktikal sa ngayon ang pagsuspinde ng value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo dahil maaari itong magdulot ng malaking kakulangan sa kita ng pamahalaan, ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo.

Ayon sa kongresista, hindi lamang mga konsyumer ang makikinabang sa VAT suspension kundi pati malalaking kumpanya ng langis at iba pang negosyo na nagbabayad ng VAT sa bawat transaksyon bago pa makarating ang fuel sa mga gasolinahan

Ipinaliwanag din ni Quimbo na kahit alisin ang VAT ay hindi rin aabot sa 12 % ang magiging bawas sa presyo ng langis para sa mga mamimili dahil ipinapataw ang buwis sa bawat bahagi ng supply chain.

Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, may ilang grupo at mambabatas, kabilang ang Makabayan bloc, na nananawagan ng suspensyon ng VAT at excise tax sa fuel.

Advertisement

Gayunman, sinabi ni Quimbo na kung masususpinde ang excise tax — na ₱6 kada litro ng diesel at ₱10 kada litro ng gasolina — ay bababa na rin ang koleksiyon ng VAT dahil ang VAT ay 12 porsyento ng kabuuang presyo ng produkto.

Samantala, nauna nang inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8418, na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspindihin ang koleksiyon ng excise tax sa fuel products sa panahon ng national emergency.

Advertisement