Naglaan ang Department of Transportation (DOTr) ng P2.5 bilyon para sa posibleng fuel subsidy program para sa mga transport driver habang patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina dahil sa tensyon sa Middle East.

Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, ang subsidy ay ibibigay ng proportionate batay sa paggamit ng langis ng bawat sasakyan. “Kapag mas malaki yung gastos tulad ng bus, mas malaki po yung krudo na kanilang ginagagamit, mas malaki naman po yung naibibigay nating subsidiya,” ani Lopez sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Ipinabatid niya na ang pondo para sa fuel subsidy ay ilalabas lamang kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng isang buwan, alinsunod sa sertipikasyon ng Department of Energy (DOE).

Kasabay nito, ang DSWD ay naghahanda na rin ng P5,000 cash aid para sa mga public transport driver habang hinihintay ng DOTr ang pormal na paglulunsad ng subsidy program. Saklaw ng subsidy ang mga sumusunod na manggagawa sa transportasyon na nire-regulate ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB):

Advertisement
  • Mga operator at driver ng bus
  • Mga operator at driver ng tradisyonal at modernong jeepney
  • Mga taxi driver
  • Mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver
  • Mga delivery rider mula sa iba’t ibang platform
  • Mga driver ng tricycle (listahan mula sa lokal na pamahalaan)

Ayon kay Lopez, maaari ring makatanggap ng tulong ang mga transport worker mula sa parehong DSWD cash aid at DOTr fuel subsidy.

Bukod sa subsidy, pinaplano rin ng DOTr ang Libreng Sakay program upang maibsan ang pagtaas ng gastos sa transportasyon. Sa ilalim ng programang ito, babayaran ng gobyerno ang mga operator at driver sa pamamagitan ng service contracting. Ilulunsad ang Libreng Sakay sa buong bansa kapag na-release na ang Special Allotment Release Order (SARO) mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Advertisement